Maikling Kasaysayan
ng
L U B A N G
Occidental Mindoro
Mula sa Maikling Kasaysayan ng Occidental Mindoro
ni R. A. C.
Occidental Mindoro Historical Society
I - Panahon ng Pananakop ng mga Kastila
Ang pangalan ng bayan ay nagmumula sa lumbang, isang uri ng punongkahoy na maramihang tumubo sa pook na ito noong unang panahon. Sa pagsalin-salin ng salita sa bibig ng ilang henerasyon ng mamamayan, ang pangalan ay naging Lubang .
Isa nang maunlad na pamayanan ang Lubang noong 1570 nang ito ay dalawin ni Capt. Juan de Salcedo at ng mga tauhan niyang mandirgmang Bisaya at Kastila. Nagulat anmg nasabing pinuno ng makita niyang may kuta ang naninirahan sa pook na ito at may kagamitan sa pagpukol ng bato. Lumaban sa mga dayuhan ang kalalakihan ng pamayanan, subalit dahil sa higit na bihasa sa pakikipaglaban ang mga sundalong Kastila, sumuko ang taga-Lubang pagkaraan ng ilang oras. Nang taong iyon, ipinailalim ni Salcedo sa kapangyarihan ng bansang Espanya ang isla ng Lubang.
Ayon sa ilang mananalaysay, maaring natutuhan ng mga ninuno ng taga-Lubang ang paraan ng paggawa ng kuta at kagamitan sa pagpukol ng bato sa mga negosyanteng Intsik na nakipagpalitan ng kalakal sa kanila bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas. Pinatutunayan ng mga banga at kubyertos ng mga Intsik na nahukay sa ilang bahagi ng isla ang pagkakaroon ng aktibong kalakalan sa pagitan ng Lubang at Tsina.
Noong 1572, idineklara ng noon ay itinalaga ng Espanya na gobernador heneral ng Pilipinas na si Miguel Lopez de Legazpi ang Lubang bilang encomienda ni Felipe de Salcedo, ang nakakatandang kapatid ni Capitan Juan de Salcedo. Ibig sabihin nito, si Felife de Salcedo bilang encomiendero ay may karapatang mangolekta ng buwis sa mga taong naninirahan sa encomienda o sa lupaing ipinagkatiwala sa kanya. Gayunman, obligasyon niyang pamahalaan at paunlarin ang kanyang encomienda.
Nang itatag ng pamahalaang Kastila ang Corregimiento de Bonbon noong 1574, ang Lubang, kasama ang Batangas at ang malaking isla ng Mindoro, ay naging bahagi ng corregimiento, ang teritoryong sibil na katumbas ng isang probinsiya sa kasalukuyan. Gayunman, pagkaraan ng ilang taon ang Lubang ay inihiwalay sa Mindoro at ginawang isang bahagi ng Cavite.
Sa ulat ng isang misyonerong Kastila sa pinuno ng kongregasyong kanyang kinabibilangan, nabanggit nitong noong 1591, ang Lubang na isang encomienda ni Felife de Salcedo ay may dalawang libong mamamayan kung saan nakakakolekta ang encomendero ng limandaang tributes o buwis.
Nakasaad din sa ulat na kailangan ng isla ng isang paring magtuturo sa
mamamayan ng pananampalatayang Katoliko.
Maging noong unang panahon, ang karagatang nakapaligid sa isla ng Lubang ay daanan ng mga sasakyang dagat na bumibiyahe sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas, gayundin sa ibang bansa. Kung minsan, may mga sasakyang dagat na patungo sa ibang bansa na dumadaong sa islang ito upanang kumpletuhin ang paghahanda sa biyahe . Isang halimbawa nito ay ang ekspedisyong binubuo ng tatlong barko at isandaa’t limampung kalalakihang patungo sa Cambodia kasama ang ilang paring Dominicano na dumaong sa Lubang noong 1596 upang ihanda ang ilang bagay na kailangan sa mahabang paglalakbay.
Malapit din ang Isla ng Lubang sa Look ng Maynila kaya ang anumang
paglalaban ng mga barkong pandigma sa look ay nakararating sa karagatang
nakapaligid sa Lubang. Isa sa mga ito ay ang Battle of Manila Bay na naganap noong 1600. Sa nasabing paglalaban , tinalo ng mga barkong pandigma ng mga Kastila ang mga barkong pandigma ng mga Olandes na gusting sumakop sa ating bansa. Sa ulat ng isang misyonero, nabanggit nitong ang barkong Almirante ni Oliver Van Noordt ay nabihag ng mga kastila at dinala sa Lubang upang ayusin.
Nabanggit din ang Lubang sa ulat hinggil sa trade blockade na isinagawa ng mga barkong pandigma ng Britanya at mga Olandes sa karagatang malapit sa Maynila.Nakasaad doon na noong ika-29 ng Abril, 1622, may mga sasakyang dagat ng mga Intsik na sinunog ng mga Ingles at Olandes sa Lubang.
Noong 1654, bumisita si Fr. Domingo Navarette, isang misyonerong domicano, sa Lubang at iba pang pamayanan sa Mindoro. Sa aklat na kanyang isinulat, binanggit niyang maganda ang isla, may dalawandaang pamilyang nagbabayad ng buwis na naninirahan doon, maraming puno ng niyog at bulak, may kuta at malalim na kanal na ginagamit ng mamamayan sa pagtatanggol sa kanilang sarili laban sa pangkat ng masasamang loob na tinatawag nilang camucones.
Isinalaysay ng misyonero na buwan ng disyembre nang bumisita siya sa Lubang. Ilang araw makalipas ang Pasko, isang tsampan ng mga Intsik ang inabot ng malakas na bagyo sa karagatang malapit sa isla. Dalawang paring Agustino Recoletos at isang babaeng alipin ang tumalon sa dagat sa pag-asang maililigtas nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paglangoy patungo sa isla. Sa kasamaang palad, nalunod ang tatlo. Ang kanilang kasamahang naiwan sa sasakyan dagat ay pinalad na makaligtas dahilan sa ang tsampan ay hindi lumubog. Sa halip sumadsad ito sa dalampasigan ng Lubang. Inasikaso ni Fr. Bernardo Ramirez, ang kura paroko ng isla ang mga nakaligtas sa sakuna.
Sa panahon ng pananalakay ng mga Muslim sa iba’t-ibang pamayanan ng
Mindoro, si Fr. Antonio de San Agustin, isang misyonerong Agustino Recoletos na
dumalaw sa Lubang, ay isa sa kanilang naging biktima.
Pauwi na noon ang misyonero mula sa kanyang pagdalaw sa Cuyo at mga
kalapit isla nang ang sasakyang dagat na kinalululanan nito ay nasabat ng labintatlong vintang puno ng mga datu at mandirigmang mula sa Jolo sa karagatang malapit sa Isla ng Lubang. Hindi magawang makatakas ng misyonero dahilan sa siya ay maysakit. Pagkatapos mabihag, walang awa siyang pinatay ng mga Muslim. Naganap ang malungkot na pangyayaring iyon noong 1658.
Nabanggit din ang Lubang bilang pook kung saan ipinatapon ang mga
nagkasalang opisyal ng gobyerno. Isang halimbawa nito ay ang pagtatapon sa isla noong 1668 kay Fiscal Diego de Corbera at sa asawa nitong si Doña Maria Jimenez. Pagkaraan ng ilang buwan, ang nasabing opisyal ay namatay.
May isang opisyal ng pamahalaang Kastila na kinatatakutan ng mga taga-
Lubang. Ito ay si Justo de Tierrra Alta na nadestino sa isla noong 1795. Mabagsik ang naturang opisyal kaya ganon na lamang ang pasasalamat ng mamamayan nang ito ay inilipat ng pamahalaan sa ibang lugar.
Kilala ang Lubang noong panahon ng pananakop ng Kastila bilang isang tahimik na pamayanan. Gayunpaman, nabahiran ang reputasyong ito ng isla noong 1795, si Corregidor Benito Garcia del Mazo, isa sa naging pinuno ng mindoro, ay pinatay sa Tagbac, isang sityo ng pueblo ng Lubang.
Sa hangaring mapalaganap ang pananampalatayang Katoliko sa Lubang, may mga kura parokong itinalaga sa pook na ito ang arsobispo ng Maynila. Isa sa kanila ay Padre Muriel na nagpatayo ng isang simbahan sa sentro ng parokya noong 1865. May mga kalalakihan sa islang ito na puwersahang pinagtrabaho ng pamahalaang Kastila para lamang matapos ang bahay dalanginan.
Bukod doon sa mga nabanggit na, kabilang sa mga paring naglingkod sa islang ito noong panahon ng pananakop ng mga Kastila ay sina Padre Francisco Bazan, Joseph de Montemayor, Francisco Xavier de Castro, Paulino Saret, Lorenzo Lopez, Silverio dela paz, Timoteo Sanchez, Tomas Roldan, Luis Reyes at Victor Lopez.
Noong 1882, nagkaroon ng epidemya ng kolera sa Lubang. Maraming tao ang namatay. Sa takot ng pinuno ng pamayanan ng Looc na baka magkasakit din ang mga taong kanyang pinamumunuan, hindi niya pinahintulutan ang kura paroko ng Lubang na si Padre Tomas Roldan na pumasok sa kanyang lugar.
Samantala, dahilan sa ang karagatan ng Lubang ay daanan ng mga sasakyang dagat mula sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas at ibang bansa, isang parola ang ipinatayo ng mga Kastila sa Cabra, isang maliit na islang sakop ng bayang ito, noong 1896. Ang nasabing parola ay patuloy paring gumagabay sa mga sasakyang dagat hanggang sa kasalukuyan.
Noong panahong isa pa lamang batang negosyante si Heneral Emilio Aguinalado, nakikipagpalitan siya ng kalakal sa mga taga-Lubang. Naging kaibigan niya ang ilang pinuno ng mga pamayanan sa islang ito.
II – Paghihimagsik ng mga Pilipino Laban sa mga Kastila
Nang lumaganap ang kilusang Katipunan sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas, isang pangkat ng nasabing kilusan ang itinatag sa bahay ni G. Mariano Aguilar o Cabesang Nano sa Tilik, isang pamayanan ng Lubang. Ilan sa nabanggit na mga miyembro nito ay sina Emiliano Cajayon, Pio Cajayon, Quintin de Lemos, Angel Surita, Gregorio Tria at Candido Aguilar.
Mula sa Tilik, lumaganap ang kilusan sa pook na kinaroroonan ngayon ng
Kabayanan ng Lubang. Ang naging lider ng mga Katipunero sa lugar na ito ay si
G. Esteban Quijano.
Noong 1898, nang naghimagsik ang mga Pilipino laban sa mga Kastila, binihag ng pangkat ng mga Katipunerong pinamumunuan nina G. Emiliano Cajayon at Esteban Quijano ang mga Kastila sa Lubang , kasama na ang pari. Ang mga bihag ay ikinulong sa bahay ni Angel Zurita sa Tilik, pinagtrabaho sa init ng araw at pinalaya pagkaraan ng dalawang linggo.
a ilalim ng pamahalaang rebolusyonaryong itinatag ni Emilio Aguinaldo noong 1898, isang revolutionary junta na namamahala sa isla ang binuo sa Lubang. Si Brigido Cajayon ang naatasang mamuno sa junta. Mga katuwang niya sa gawain sina G. Fructuoso Zubiri at Balbino Tameta.
Samantala, isang taga-Lubang ang pinagkatiwalaan ni Heneral Aguinaldo na umugit sa pamahalaang panlalawigan ng Mindoro noong 1899. Siya ay si G. Manuel Alveyra. Sa kasamaang palad, ang nasabing pinuno ay pinatay ng mga sundalong Kabitenyong kanyang pinamumunuan.
III – Panahon ng Pananakop ng mga Amerikano
Noong 1901, ang mga sundalong Amerikano ay lumunsad sa Tilik at Sitio Binasal ng Baryo Vigo, mga pamayanan ng Lubang. Sinunog nila ang Tilik at hinuli ang mga rebolusyonaryong lumaban sa mga Kastila. Sinakop nila ang buong isla at pinailalim sa pamahalaang amerikano. Nag-organisa sila ng isang pamahalaang military at si G. Toribio Aguilar ang itinalaga nilang pinuno.
Ang mga rebolusyonaryong hinuli ng mga sundalong Amerikano ay ikinulong sa Calapan. Kinabibilangan ito nina Emiliano Cajayon, Domingo Castillo, Candido Aguilar, Mariano Aguilar, Gregorio Tria, Francisco Muñiz, Quintin de Lemos at isang kilala lamang sa pangalang Cabesang Tubing. Maliban kay Quintin de Lemos, ang mga manghihimagsik na ito ay namatay sa bilangguan.
Nang ang Mindoro ay ginawang sub-province ng Marinduque noong ika-23 ng Hunyo, 1902 sa bisa ng Act 423, ang Lubang ay inalis sa Cavite at ginawang bahagi ng Marinduque. Gayunpaman, hindi naging epektibo ang pamamahala sa isla dahilan sa kumplikadong paraan ng komunikasyon mula sa Boac, Marinduque na siyang sentro ng pamahalaang panlalawigan noon sa Pilipinas, sa ngalan ng Estados Unidos, na ang Mindoro ay gawing isang Malaya ngunit hindi regular na probinsiya. Ang Lubang ay inalis sa Marinduque at ginawang bahagi ng Mindoro noong ika-10 ng Nobyembre 1902 sa ilalim ng Act 500.
Noong 1905, isang pampublikong mababang paaralan ang itinatag ng mga dayuhang mananakop sa Lubang. Si G. Agustin Craig ang kaunaunahang gurong Amerikano na idenestino sa islang ito.
Noong ika-4 ng Hunyo, 1905, sa ilalim ng Act 1280 ng Philippine Commission, ang Lubang ay ginawang isang bayan. Ang sentro ng pamahalaang bayan ay inilagay sa Tilik. Sa pook na ito ginampanan nina G. Juan Villamar, Agaton Abeleda, Mariano Zubiri at Juan Villaflores and kanilang tungkulin bilang municipal presidents.
Nang si Gen. Leonard Wood and naging gobernador-heneral ng Pilipinas, binisita niya ang Lubang noong 1912. Sa kanyang pagdalaw, tiningnan niya kung tinutupad ng mamamayan ang pambansang utos hinggil sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa bakuran at tahanan. Nakita niyang ang bakuran at bahay ng animnapung pamilya ay hindi malinis.
Upang madisiplina at huwag pamarisan ng ibang mamamayan ang mga ito, ipinag-utos ng gobernador-heneral ang pagbilanggo ng isang araw at isang gabi sa mga ama o ina ng mga pamilyang hindi sumunod sa utos.
Dumalaw rin ang Secretary of the Interior Dean C. Worcester sa Lubang nang taong nabanggit.
Bunga ng pagdalaw niyang ito, ipinagawa ng pamahalaan ang pantalan sa Tilik, gayundin ang pangunahing kalsada sa isla, tulay at mga pampublikong gusali.
Noong 1916, inihiwalay ang Looc sa Lubang at ginawang isang bagong
munisipyo. Nanatili sa Tilik ang luklukan ng pamahalaang bayan ng Lubang at ang Agkawayan naman ang naging sentro ng bayan ng Looc.
Isang malakas na bagyo ang dumaan sa Lubang, noong 1918. Labis na
napinsala ang mga pananim at maraming bahay at gusali ang nasira, kasama na ang simbahang ipinatayo ni Padre Muriel, limampu’t tatlong taon na ang nakalipas.
Taong 1918 din nang ang luklukan ng pamahalaang bayan ng Lubang ay inalis sa Tilik at inilagay s kabayanang kinaroroonan nito ngayon. Sa pook na ito tinapos ni G.Juan Villaflores ang natitirang isang taon pa sa panahon ng kanyang panunungkulan Bilang municipal president.
Isang municipal president ang naaalala ng taga Lubang na puspusang humikayat sa mga magsasakang tamnan ng sarisaring pananim ang kanilang bukirin upang maging produktibo ito. Siya ay si G. Mariano Zubiri. Dahilan sa hilig niya sa paghahalaman, binansagan syang Marianong Gubat ng kanyang mga kababayan. Dalawang beses siyang nanungkulan bilang pinuno ng Lubang. Ang una ay mula 1912 hanggang 1913 at ang pangalawa ay mula 1925 hanggang 1928.
Bago pa man sa Society of tha Divine Word o SVD ang espirituwal na
pamamahala sa Isla ng Mindoro, ipinadala na ng mga pinuno ng nasabing
kongregasyon si Fr. Enrique Demond, SVD sa Lubang. Noong 1922, nakita niyang kailangan ang isang Katolikong paaralan sa isla kaya itinatag niya ang Stella Maris School. Nang sumunod na taon, ang pamamahala sa paaralan ay ipinagkatiwala niya sa mga madreng kabilang sa Mission Congregation of the Servants of the Holy Spirit o SSpS. Ang eskuwelahang ito ang pinakamatandang Katolikong paaralan sa Mindoro.
Nang si Fr. Benito Rixner, SVD ang itinalagang kura paroko ng Lubang, pinagsikapan niyang muling maipatayo ang nasirang bahay dalanginan sa pook na ito. Noong 1935, isang matibay na simbahan ang ipinatayo ng misyonero sa kabayanan.
Noong 1937, bilang punong pastol ng mananampalatayang Katoliko sa Mindoro, dinalaw ni Bishop William Finneman, SVD, DD ang Lubang.
Buong lugod siyang tinanggap ng pinuno ng bayan na si Mayor Leandro Abeleda, Sr., ng mamamayan ng isla at ni Fr.Demond, na nang taong iyon ay muling itinalagang kura paroko ng lugar.
Bukod sa mga nabanggit na, ang mga naging punong bayan ng Lubang, mula ng ilipat ang sentro ng pamahalaang bayan sa kinarorooonan nito ngayon hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, ay sina G. Eulogio Zubiri, Hilario Tria, Vicente Valbuena, Andres Tapales, Augusto Abeleda, Domingo Valbuena, Octabio Masangkay at Cipriano Torreliza.
IV – Panahon ng Digmaan
Ilang buwan pagkatapos sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig,
sakay ng labintatlong bangka, isang pangkat ng mga sundalong Hapones na
pinamumunuan ni Capt. Ichi ang lumunsad sa Tilik. Naglagay sila ng garrison sa baryong ito. Ang kalalakihan ng lugar ay inobliga nilang mamutol ng malaking punongkahoy sa kagubatan ng isla.
Noong Marso, 1942, sa pag-aakalang ito ay isang barkong pandigma, binomba ng Japanese warplanes ang La Estrella del Caltex, isang sasakyang dagat ng mga Amerikano sa karagatang malapit sa Sitio Tangway, Tagbac. Ang ilang bombang hindi tumama sa barko ay sumabog sa bahagi ng sitio na may maraming bahay. Bunga nito, nasunog ang mga bahay sa pook na iyon.
Si Fr. Juan Weber, SVD ang paring pumalit kay Fr. Demond bilang kura-paroko ng Lubang, ay inabot ng digmaan sa isla. Dala marahil ng katandaan
at pag-alaala sa kalagayan ng mamamayan, siya ay namatay noong 1942. Inilibing ang misyonero sa libingang malapit sa poblasyon, at pagkatapos ng giyera ang kanyang labi ay hinukay at dinala sa Alemanya.
Batay sa salaysay ng matatandang mamamayan, hindi malupit sa tao ang mga sundalong Hapones na nadestino sa Lubang. Gayunpaman, inobliga nilang magsaka ang mga tao upang may maibigay na pagkain sa mga sundalo. Inobliga rin nila ang kalalakihan ng isla na mamutol ng malaking punongkahoy at gawin ang paliparan para sa mga eroplanong pandigma ng bansang Hapon.
Bunsod ng hangaring maging malaya ang kanilang bayan, isang pangkat ng mga gerilya ang itinatag nina Major Alberto Abeleda at Captain Carlos Valbuena sa Lubang. Gayunman, nanatiling lihim ang kilusan dahilan sa walang sapat na armas ang mga miyembro nito na maaring itapat sa sandata ng mga kaaway. Hinintay na lamang ng pangkat ang pagbabalik ng mapagpalayang puwersa ng mga Amerikano.
Katulad ng naganap sa ibang bahagi ng Mindoro, dahilan sa namamayaning takot sa puso ng bawat mamamayan at sa walang katiyakang kinabukasan, nagsara ang mga paaralan sa lalawigan. Kabilang na rito ang Stella Maris School sa Lubang. Bukod dito, malawak sa lupang sakahan ang hindi natamnan sapagkat karamihan sa mga magsasaka ay nagsilikas sa ibang lugar o nagsipagtago sa mga kagubatan.
Noong ika-24 ng Oktubre 1944, binomba ng mga eroplanong pandigma ng Allied Forces ang Japanese warplanes na nakahimpil sa paliparan ng Lubang. Ang dagundong ng mga bomba ay narinig hanggang sa Baryo Maliig na may tatlong kilometro ang layo sa kabayanan. Binomba rin at pinalubog ng mga eroplanong pandigma ang Japanese warship na dumaan sa karagatang malapit sa Baryo Vigo.
Matapos maparalisa ang puwersa ng mga eroplanong pandigma ng mga kaaway, noong ika-28 ng Pebrero, 1945 ay lumunsad ang mga sundalo ng Allied Forces sa Tilik at iba pang bahagi ng Lubang. Umatras ang mga sundalong Hapones sa kabundukan. Habang umuurong, sinunog nila ang mga bahay sa kanlurang bahagi ng kabayanan.
Tumulong ang pangkat ng mga gerilya sa pagpapalaya sa isla. Sa loob ng isang araw, naitaboy nila ang mga kaaway sa kabundukan. Noong unang araw ng Marso, 1945, ang pangkat ng mga sundalong Amerikanong pinamumunuan ni Lt. Campbell ay pumasok sa kabayanan ng Lubang at inokupahan ito.
Mahigit isang taon ding nagtago ang mga sundalong Hapones sa kagubatan ng Lubang. Pinaghanap sila ng mga sundalong Pilipino at Amerikano. Noong 1947, tatlumpu sa mga ito ang sumuko kay Lt. Tyler Holland na siyang pinuno ng U. S. Task Force Division.
Kahit sumuko na ang kanilang mga kasamahan, ipinagpatuloy pa rin ng tatlong sundalong Hapones na pinamumunuan ni Lt. Hiroo Onoda ang pagtatago sa kagubatan ng isla. Apat na sibilyang naninirahan sa Baryo Vigo na napaligaw sa lugar na kanilang pinagtataguan ang kanilang pinatay. Ang mga ito ay sina Melecio Telebrico, Felipe Tanglao, Domingo Tanglao at Servando Tanglao.
Noong 1958, ang lansangan mula sa daungan ng Tilik patungo sa kabayanan ng Looc ay ginawa ng engineering battalion ng Philippine Army. Nang sumunod na taon, inayos nila at pinaganda ang paliparang ginawa ng mga sundalong Hapones sa Lubang. Bunga ng mga proyektong ito, bumilis ang transportasyon sa isla.
Dahilan sa naging abala na ang daungan ng Tilik, noong 1959 isang parola ang ipinatayo ng gobyerno sa pook na ito. Nang sumunod na taon, bilang pagkilala sa estratehikong kinalalagyan ng Isla ng Lubang, ipinagawa ng pamahalaan ang Gozar Air Station sa bundok na nakatunghay sa Baryo Ambulong na tinatawag ngayong Brgy. Sorville. May radar at iba pang makabagong kagamitan sa nasabing estasyon na ginagamit ng mga ekspertong tauhan ng Philippine Air Force sa pagbabantay sa kalawakang nasa gitna ng timog-kanluran ng ating bansa. Nabibiyayaan ang mga pamilyang naninirahan sa Sorville at isang sityo ng Binacas ng serbisyo ng planta ng kuryente at water system para sa malinis na inuming tubig na ipinatayo sa radar station.
Nang lumaganap ang barrio high school sa ating bansa, dalawang paaralan ang binuksan sa lubang. Ang mga ito ay ang Tilik Barrio High School at ang Cabra Barrio High School. Ang haiskul sa Tilik ay umunlad at ngayon ito ay kilala bilang Tilik National High School. Sa kabilang dako, pagkaraan ng anim na taon, ang barrio high school sa Cabra ay ipinasara dahilan sa kulang ang bilang ng mga mag-aaral.
Sa hangaring higit na mapangalagaan ang pangkalusugang kapakanan ng
mamamayan ng isla, isang ospital ang ipinatayo ng pamahalaan sa Lubang noong 1969. Malaki ang naitulong ng pagamutan sa mahihirap na maysakit, lalong-lalo na sa mga pasyenteng kailangang lapatan ng dagliang lunas.
Isang sasakyang dagat na puno ng Vietnamese refugees ang napadpad sa
dalampasigan ng Baryo Tangal noong 1970. Ilang lingo ring inalagaan ng pamahalaang bayan ang mga ito bago ipinadala sa refugee processing center sa lalawigan ng Bataan.
Noong 1971, si Kozuka ang Japanese straggler na kasama ni Lt. Onoda sa loob ng dalawampu’t pitong taon ay namatay sa isang pakikipagbarilan sa pangkat ng mga sundalong Pilipinong naghahanap sa kanila. Ang kanyang labi ay inilibing sa sementeryo ng Tilik.
Tumulong ang Simbahang Katoliko sa paglutas sa problema ng inuming tubig sa Cabra, isang maliit na islang sakop ng Lubang. Noong 1972, sa tulong ng kanyang mga kaibigan sa ibang bansa, isang windmill na ginagamit sa pagkuha ng tubig mula sa malalim na balon ang ipinatayo ni Fr. Bernhard Kasselmann, SVD sa Cabra. Dalawang malalim na balon naman ang pinahukay sa islang ito ni Fr. Lois Ortner, SVD nang siya ay itinalagang kura-paroko ng Lubang noong 1992.
Sa loob ng panahong saklaw ng pagtatapos ng digmaan hanggang sa pagdeklara ang batas militar sa Pilipinas, ang mga naging alkalde ng Lubang ay sina G. Aurelio Orayani, Sr. Juan Villaluz, Francisco Sanchez, Leandro Abeleda, Jr. at Raul Virola.
Natatandaan ng matatandang mamamayan na si Mayor Francisco Sanchez ang humikayat sa mga magsasakang maghukay ng malalalim na balon at bumili ng may makinang bomba sa tubig at nang sa ganon, matamnan nila ang lupang sinasaka kahit na panahon ng tag-init.
Sa tulong nina Governor Arsenio Villaroza at Congressman Felipe Abeleda,
naipagawa ni Mayor Sanchez ang municipal grandstand at multipurpose social hall at sinimulan ang pagpapakongkreto ng kalsada sa kabayanan.
Pinabakuran ni Mayor Raul Virola ang plasa ng munisipyo na pinailawan ng hinalinhang niyang Mayor Leandro Abeleda, Jr. Bukod dito, nagpagawa siya ng gusali para sa local na tanggapan ng mga iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
V – Panahon ng Batas Militar
Nang puspusang ipinatupad ang Mindoro Integrated Rural Development Project o MIRDP noong panahon ng batas military, itinatag sa lubang ang Lubang Electric Cooperative o LUBELCO. Napadaluyan ng kuryente ang maraming kabahayan hindi lamang sa bayang ito kundi pati na sa karatig munisipyo ng Looc. Bukod dito, may mga sistema ng patubig na ipinagawa ang National Irrigation Administration sa ilang barangay kaya hindi lamang minsan kundi dalawang beses kung umani ng palay ang mga magsasaka sa bayang ito.
Samantala, ang vocational high school na itinatag sa Tilik noong 1971 ay inilipat sa kabayanan ng Lubang noong 1972. Pagkalipas ng tatlong taon, nakabili ang pamahalaan ng lote sa pook na malapit din sa poblasyon. Ipinatayo sa loteng iyon ang mga gusali ng paaralang bokasyonal. Sa kasalukuyan, may extension classes ang Lubang Vocational School sa Isla ng Cabra.
Noong ika-10 ng Marso, 1974, ang tatlumpung taong pagtatago ni Lt. Hiroo Onoda sa kagubtan ng Isla ng Lubang ay nagwakas. Nang araw na iyon, dininig niya ang panawagan ng kanyang kababayang si Yukio Suzuki at utos ni Commanding Officer Taniguchi na siya ay sumuko na. Ang Japanese straggler ay sumuko kay Major Gen. Jose Rancudo, hepe ng Philippine Airfoce sa Gozar Air Station, Brgy. Sorville. Dinala siya sa Maynila at pormal niyang isinuko ang kanyang samurai kay pangulong Ferdinand Marcos.
VI – Pagkatapos ng Mapayapang Himagsikan sa Edsa
Pagkatapos maganap ang mapayapang himagsikan sa EDSA na nagpatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos, inalis ni Pangulong Corazon Aquino ang lahat ng mga alkalde sa Occidental Mindoro at pinalitan ito ng mga OIC Mayor. Sa lubang ang unang OIC Mayor ay si G. Antonio Orayani. Gayunman, wala pang isang buwan siyang nanunungkulan nang siya ay palitan ni OIC Mayor Amancio Dimaranan.
Sa eleksiyong ginanap noong 1987, si G. Alfredo Lim ang nahalal na punong bayan ng Lubang. Dalawa sa mga naaalala ng mamamayang proyekto ng alkalde sa tulong ni Congressman Jose T. Villaroza ay ang social hall ng bayan at ang mga bubong na palaruan sa plasa.
Nang si Fr. Lois Ortner, SVD ay itinalagang kura paroko ng Lubang, sinikap niyang magkaroon ng water system para sa irigasyon at malinis na inumin sa Brgy. Binacas. Sa tulong ng kongregasyong kanyang kinabibilangan at ng mga mapagkawanggawang kaibigan sa ibang bansa, ang water system ay naipagawa at sa gitna ng pagbubunyi ng mamamayan ito ay pinasinayaan noong 1992.
Sa eleksiyon ginanap, noong 1998, ipinagkatiwala ng taga Lubang ang
tungkuling ama ng bayan kay G. Policarpio Tesorio. Inaasahang sa pamamagitan ng pagsisikap ni Mayor Tesorio at ng mga uugit pa ng pamahalaang bayan sa hinaharap, ang tahimik na bayang ito ng Occidental Mindoro, na sa taong 2000 ang populasyon ay tinatayang aabot sa tatlumpung libo (30,000), ay lalo pang uunlad.
Mga Aklat, Babasahin at Taong Pinagkunan ng Impormasyon
1 The History of Lubang, Rosalinda Zubiri: 1991, p. 1
2 STAA Souvenir Program: 1970, p. 163
3 Philippine History, Gregorio Zaide: 1961, p. 100
4 op cit. p. 164
5 The Travels of Navarrete, J. S Cummins: 1962, p. 76
6 Mindoro Mission Revisited: Philippine Quarterly of Culture and Society,
Vol. 5 (1977), p. 259
7 Ang Kasaysayan ng Looc, Teresita Pacheco: 1990, p. 4
8 A Brief History of Tilik, Bernardita Tanglao: 1950, p. 3
9 op cit p. 164
10 Oriental Mindoro from the Dawn of Civilization to the Year 2000 A. D.,
Florante Villarica: 1997, p. 33
11 Mindoro, A Social History of a Philippine Island in the 20th Century,
Volker Schult: 1991, p. 51
12 op. cit. p. 4
13 op. cit. p. 4
14 Ang Kasaysayan ng Looc, Teresita Pacheco: 1990, p. 4
15 Golden Jubilee Souvenir Book of the Apostolic Vicariate of Calapan: 1986, p. 12
16 op. cit. p. 10
17 op. cit. p. 5
18 Panayam kay G. Romeo Puli, February 5, 1998
19 Panayam kay G. Ramon Guimba, February 6, 1998
20 op. cit. p. 6
21 op. cit. p. 7
22 Ang Kasaysayan ng Brgy. Burol, Teresita Bautista: 1990, p. 3
23 op. cit. p. 8
24 Panayam kay Brgy. Capt. Eduardo Tarras, February 4, 1998
25 Sentimental Journey of Lt. Hiroo Onoda, Governor’s Office: 1996, p. 28
26 Panayam kay Brgy. Capt. Faustino Tamares, February 2, 1998
27 Panayam kay G. Ramon Guimba, February 6, 1998
28 op. cit. p. 29